MITHIIN

 

MITHIIN

Nasaan na nga kaya ako makalipas ang sampung taon? Natupad ko na kaya ang mga gusto kong maabot sa buhay ko? Sa gawaing ito, ang dami tanong na pumapasok sa aking isipan, hindi mawari ang isusulat sa blangkong papel. Dahil sa dami ng di malilimutang karanasan na aking nasalubong ay sadyang di mo mapipigilang madapa, pero kailangan pa ring bumangon. Sa mga karanasan ko sa buhay hindi naging madali ang lahat, nandoong binalak kong mag ibang bansa upang matupad ang ilan sa mga mithiin ko sa buhay, binalak ding wakasan ang buhay pero malakas ang kapit sa Poong Maykapal at hanggang ngayon ay buhay pa. Siguro nga sadyang may nakalaan na puwesto sakin ang Diyos na sa kabila ng aking mga kasalanan ay nandito pa rin ako patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.

                Ng magkaroon ako ng pamilya at nagkakaron ng di inaasahang mga problema, ay isa lang ang pumapasok sa isipan, naroon ang pagsisisi na sana pala, sana pala ay nagtapos ako sa kolehiyo, sana’y di muna nag-asawa ngunit sadya ito ang aking tadhana, na ako mismo ang gumawa. Ngunit sa dumating ang isang biyaya, nakapag-aral akong muli na kahit di matulos ng aking isipan ang mga pinag-aaralan ay nakakaya pa naman, kaya pa at kakayanin pa, malapit na, konti nalang, sana’y makayanan pa. Hindi mawari ang kasiyahan sa aking dibdib na halos umulwa ang puso sa galak at sa isipin na, konti nalang matutupad na ang lahat ng aking mga mithiin, para sa aking pamilya, para sa aking mga anak. Kaya naman akin ng papangarapin ang mga susunod na mga taon, kasama ang aking mga mahal sa buhay.

                Sampung taon mula ngayon, may matatag na akong trabaho, tapos na din sa kolehiyo ang aking panganay na anak, at may matatag na trabaho sa kanyang piniling propesyon sa buhay. Ang aking bunso naman ay nagpapakadalubhasa sa kanyang piniling kurso bilang isang nars. May sarili na rin akong bahay at lupa sa pagpupursige naming mag-asawa na may matawag na sariling amin. Gayon din naikakain ko na rin ang aking mga magulang sa labas at naibibigay ko na ang mga gusto nila. Nakakatulong na rin ako sa aking mga kapatid, pamangkin at kamag-anak na nangangailangan. Nag-iipon na kami ng asawa ko para sa aming sasakyan, at nakakapaglakbay na rin kami sa mga lugar na gusto naming mapuntahan tulad sa Baguio City, na dati’y pangarap lang na makapagpasko doon ngayon ay natutupad na, pinaplano na ang mga dadalhin, na alam kong masaya ang lahat, dahil sa daming ng hirap at pagtitiis aynakakamtan na ang mga mithiing matagal na inasam.

                Sabi nga ni Aira Eloisa Carino – ang pangarap ay tumutukoy sa mga minimithi o ninanais ng isang tao sa kanyang buhay,kung minsan ito ay mahirap makamtan at malayo sa kasalukuyang buhay. Hindi hadlang ang kahirapan sa mga taong may gustong maabot sa buhay, gawin itong isang inspirasyon upang magpursige at magsumikap sa buhay. Kaya sa pagpupursige kong makatapos sa gitna ng aking edad, katayuan sa buhay ay mas pinili kong abutin ang mga minimithi ko sa buhay upang maipakita sa mga taong umaapak sa aking pagkatao na ito na yung inaapak-apakan ninyo noon. At lubos akong nagpapasalamat sa naging dahilan ng aking pagsusumikap sa buhay, walang hanggang pasasalamat kayo ang nagging inspirasyon sa buhay na tinatahak ngayon.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAGSUSURI NG PELIKULA

KABABALAGHAN

PINAGPALA